I listen to the radio/
Kanina medyo nababato ako habang pinipilit ko mag-aral ng 122 lab. Pfft. Open videogame, close. Next videogame, close. Tingin Facebook, wala namang gagawin dun, close. Tingin sa aaralin, close. Parang...bleh lang ng araw na ito, yung mga tipong Sunday afternoons kung saan noon buong high school ko naka-bum lang ako sa dorm nakikinig ng radyo.
Tama, makinig kaya ako ng radyo. Mga kantang dekada nubenta sa aking tainga. Torpedo ng Eraserheads. LoveRadio-format commercial. Tuwing Umuulan at Kapiling Ka ng Eraserheads. Maniwala Ka Sana ng PNE. Senti ng Yano. Kay Sarap, pero hindi The Boss yung kumanta. Natutuwa naman ako.
Kakaiba, ano? Kahit na halos lahat ng pinapatugtog sa radyo tuwing Linggo ng hapon nai-download ko na, kahit na karamihan ng pinapatugtog nila gabi-gabi nasa laptop ko na, kahit na ang buong discography na ang i-torrent ko, medyo iba pa rin ang radyo de hamak. Ibang-iba ang radyo talaga.
Tunay, pagpasok sa klase Kylie Minogue discography pinapakinggan ko, paglaro ng DotA mga early 2000's RnB at mga current 'party music' pinapakinggan ko, sa pag-aaral nakaloop lahat ng kanta ko. Pero iba eh, iba dapat ang mga pinapakinggan sa mga ganitong oras. Tipong hindi ala-Love Radio na chopsuey mula dekada sisenta hanggang 010's. Puro lang, purong nineties. Katulad ng pinapakinggan ko magmula kabataan. Katulad ng, er, Love Radio din, pero sa Linggo lang nang hapon. At minsan talaga, kahit gaano idiin ang ibang mga kanta ng ibang kapanahunan 50's o 70's o 2k's, kahit ibang genre ng New Wave o Techno o Grunge, iba pa rin ang OPM ng kabataan natin.
Oo, mas magaling man Beatles, mas nakakagising man Aerosmith, mas tumatatak man sa isip ang China Crisis, lahat na kumpara sa OPM ng dekada nubenta, iba pa rin ang 90's. Iyon ang panahon ng kabataan natin, iyon ay...kumbaga atin din, minsan sa buhay natin. Para siyang teks, o Chinese garter, o siguro Playstation para sa ating mga mas mapalad na kaedad. Para siyang yung bahay na kinalakihan natin, o siguro kinalakihang bayan para sa mga nagmigrate na. Parang patikim ng kabataan ang mga kantang ito, at ang dating ng pakikinig nito mula sa radyo ay iba pa rin talaga kaysa pa pagbukas nito sa Winamp.
Alas-sais na ng hapon. Sayang ang radio soundtrip na ito ay matatapos sa loob ng isang oras. Salamat, salamat radyo.
Sayang lang din na sa loob ng ilang taon mapapakinggan ko na lang ang 90's OPM sa Linggo ng umaga, naka-chopsuey kasama ng Beatles, Bee Gees, walang-kamatayang Air Supply, at siguro Spice Girls at David Guetta at 2NE1 at Sam Milby at Cueshe.
Kung iisipin, may makikinig pa kaya sa mga kanta ng panahon natin kapag 2050 na? Heh, may nakakakilala ba sa atin kung sino si Celeste Legaspi, na kumanta ng Tuliro, o The Inkspots, na sikat na sikat noong 40's? Magugustuhan kaya ng mga apo natin ang mga kanta natin? Kanta ng mga lolo at lola natin?